Ako’y Isang Pinoy

Bato-bato sa langit ang tamaan huwag magagalit

Bagong Taon Sa Amerika

January 1st, 2008

Mahigit na 13 taon na akong naninirahan dito sa Amerika at sa tuwing sasapit ang bagong taon, hindi ko maiwasang maalala kung paano namin pinaghahandaan ang pagsapit ng bagong taon sa Pilipinas. Kahit na maliit lang ang pinagsasalu-saluhan, kakaiba ang saya kapag sumasapit ang ganitong okasyon. Maraming paputok at nagkalat ang tao sa lansangan para salubungin ang paparating na panibagong taon.

Dito sa Amerika, bawal ang mga paputok kaya karamihan ng tao ay nagpupunta sa lugar kung saan maaring manood ng mga nag-gagandahang fireworks. Kalimitan ay sa pier para malayo sa mga bahay at maiwasan ang sunog. Remote controlled din ang mga ito para maiwasan ang mga sakuna ‘di katulad sa atin na may mga taong napuputulan ng kamay at nasusunog ang mukha dahil sa paputok. Meron ding countdown na tinatawag. Kapag sampung sigundo na lang ang natitira bago mag alas-dose, sabay-sabay ang mga tao na magbibilang pababa. Pagkatapos ay nagiinuman ng champagne habang pinapanood ang mga fireworks. Kung ikaw ay nasa bahay naman, maari ka ring makisali sa pamamagitan ng mga live broadcasts sa telebisyon.

Subalit karamihan ng mga Pinoy dito sa Amerika ay pinipili pa ring sa bahay na lang magdiwang gaya na ng nakaugalian ng gawin. Medyo malungkot dahil hindi lahat ng pamilya ay kapiling mo. Ang iba ay tumatawag sa Pilipinas para sa ganung paraan man lang ay maramdaman nila na kasama nila ang mga mahal nila sa buhay. Masuwerte ako at kahit paapano ay kapiling ko ang magulang at mga kapatid ko dito. Hanggang ngayon ay sama-sama pa rin naming sinasalubong ang bagon taon. Kaya lang sana ay may lusis pa rin kaming sinisindihan. Pero okey na rin ang torotot at kalampag ng kaldero :)

Tuloy Po Kayo

January 1st, 2008

Tuloy po kayo sa aking blog. Dito ay nais kong talakayin ang mga bagay-bagay na nauukol sa Filipino at mga napapanahong isyu. Sana sa mga susunod na mga araw ay tangkilikin n’yo ang blog na ito. Salamat ng po ng marami at Manigong Bagong Taon!